Bakit itinuturing na isa sa mga pinagpipitagang pelikula ni Direktor Ishmael Bernal ang Manila By Night (Regal Films, Inc.)? Ating balikan ang pelikulang umani ng papuri mula sa mga kritiko noong taong 1980. Kilala si Bernal sa paggawa ng mga pelikulang puno ng iba't-ibang pangunahing tauhan. Tahasang isinaad sa pelikula ang suliraning pang lipunan sa kalakhang Maynila. Mula sa isang simpleng tinedyer (William Martinez) na anak ng dating putang nagbagong buhay (Charito Solis) hanggang sa isang tomboy na drug pusher (Cherie Gil), may bulag na masahista (Rio Locsin), nariyan din ang taxi driver (Orestes Ojeda), ang kabit niyang nagkukunwaring nars (Alma Moreno), mayroon ring probinsyanang waitress (Lorna Tolentino) at ang baklang couturier (Bernardo Bernardo) na bumubuhay sa kanyang pamilya. Iba't-ibang buhay ng mga taong pinagbuklod ng isang malaking siyudad. Tinalakay ng pelikula ang problema sa droga, prostitusyon, relihiyon at kahirapan na magpasahanggang ngayon ay mga suliraning hinahanapan pa rin natin ng solusyon. Maraming nagkumpara ng Manila By Night sa obra ni Direktor Lino Brocka ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag. Kung saan nagkulang ang pelikula ni Brocka ito naman ang landas na tinahak ng obra ni Bernal. Hindi lamang nito ipinakita ang lumalalang situwasyon ng kahirapan sa Maynila sa halip ay hinarap nito ang ibang mga isyung hindi tinalakay sa pelikula ni Brocka. Sa aspetong ito mababanaag ang malaking pagkakaiba ng dalawang pelikula. Kung panonoorin sa ngayon ang Manila By Night masasabing may kalumaan na ang tema nito, di tulad ng unang ipinalabas ang pelikula sa mga sinehan. Matatandaang kinatay ito ng Board Of Censors sa utos na rin ng Unang Ginang na si Imelda Marcos dahil taliwas ito sa imahe ng Maynilang ipinagkakapuri ng administrasyong Marcos. Halos lahat ng linya sa pelikulang sinabi ang katagang Maynila ay pinutol. Pati na rin ang mga maseselang eksena sa pelikula ay iniklian o kaya ay tuluyang ginunting ng opresibong sensura. Hinarang din ng gobyerno ang dapat sanang pagpapalabas ng Manila By Night sa Berlin Film Festival.
Makaraan ang dalawampu't anim na taon mula ng ipalabas ang Manila By Night ay masasabing halos walang binago ang panahon kung susuriin natin ang mga suliraning pang lipunan ng Pilipinas. Nariyan pa rin ang problema sa mga ipinagbabawal na gamot, ang prostitusyon at kahirapan. Sino ba talaga ang dapat sisishin sa lahat ng mga ito? Ang pamahalaan ba? Tayong mga mamayan? Hanggang ngayon wala pang sagot sa mga tanong na ito. Nararapat nating pasalamatan ang mga direktor na tulad ni Ishmael Bernal na sa pamamagitan ng paggawa ng mga obrang tulad ng Manila By Night, isang pelikulang nagmulat sa ating kaisipan sa suliranin ng bansang Pilipinas.
http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com/2006/04/pagkagat-ng-dilim-manila-by-night.html
this story is need to be matured in thinking because its just like the older person who are too matured to do that thing it said that how Manila doing in the night and it cause a big problem to our country..
ReplyDelete